PULANG KANDILA

ni Bonifacio Ilagan

(Sa alaala nina Jessica Sales, Cristina Catalla, Ramon Jasul, Modesto Sison, Gerrdo Faustino, Virgilio Silva, Salvador Panganiban, Erwin de la Torre, Manny Salvacruz at ng aking kapatid – Rizalina Ilagan.)

 
Di ko na binibilang ang mga taon. 
Bastat tuwing kaarawan mo, nagsisindi ako 
Ng  pulang kandila.
 
Ang mga magulang nati’y yumaong nag-aabang 
Sa iyong pag-uwi.
Ang mga anak ko’y nangagsilaking sa pangalan 
       ka lamang
Napaglilimi.
 
Sino’ng nakakaalam kung ikaw ay nasaan?
Maliban sa kanilang dumakip, nagpahirap, nanggahasa.
at pagkatapos, nang lupaypay na ang iyong katawan
Sa iyong sentido ay nag-umang ng baril
O nagtarak sa dibdib mong sugatan ng punyal,
Sino ang nakakaalam, wala.
 
Di ko na binibilang ang mga taon.
Bastat tuwing kaarawan mo, nagsisindi ako 
Ng pulang kandila.
 
Nakikipagtitigan ako sa dila ng apoy
Pilit sinisipat ang iyong banayad na ngiti.
Bumubulaga sa diliwariw ko 
Ang mga katawang dinamitan ng sugat at dugo
Ang mga butong hinaltak sa laman
Mga pagkataong dinuhagi ng mga halimaw.
Di ko na binibilang ang mga taon.
Bastat tuwing kaarawan mo, nagsisindi ako 
Ng pulang kandila.
 
 At sa kandilang iyan, 
Lalaging busilak ang apoy ng iyong alaala
Mag-aalab lagi ang init ng iyong pagsinta
Sa bayan, sa uring ng mga inapi
Ng mga dinusta.
 
Sa kandila ring iyan kakatas ang iwing hustisya.
 
 
27 Hulyo 2002
 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: